Ang Pangakong Pinanghahawakan Ko


Elvie (left) at her final vow ceremony in 2015.

by Elvie fcJ

Bukod-tangi ang kuwento ng aking bokasyon. Bakit ko nasabi ‘to? Kasi, ‘di madaling maipaliwanag ang paraan ng Diyos. Kamangha-mangha ang pagtulong Niya sa aking paglalakbay sa buhay.

Ito ang kuwento:

Noong pinagiisipan ko pa kung magiging madre ako, ako ay nagtatrabaho sa isang telephone company sa Tagum, Davao del Norte. Mahirap para sa akin na magpasya na iwanan ang aking pamilya dahil sa kanilang kakulangan sa pera. Bago ko pa maisip maiwanan sila, nangutang ako para ipadala ang pera sa aking mga magulang at makapagpatayo sila ng bahay bago pa man ako maging madre. Ayaw ko silang iwanan hanggang may maayos at matibay silang titirhan. Kaya, medyo matagal akong nakapagresign sa aking trabaho kasi kailangan ko pang bayaran itong utang nang dalawang taon.

Noong dalawang taon, nagpakatipid-tipid ako: walang bagong damit, sapatos, bag, merienda, at walang gimik-gimik sa aking mga kaibigan. Isipin niyo: sira ang aking sapatos, at kailangan kong hugasan ang aking paa bago ako magsimba, para sa gayon, kapag lumuhod ako, makikita ng mga tao sa likod ko, ‘yung malinis kong paa kaysa ‘yung sira kong sapatos. Kapag nagsho-shopping naman ako, hanggang patingin-tingin na lang ako sa aking mga kailangan, katulad ng bag. Kailangan ko ‘yung bag para sa aking bibliya, notebook, at iba pang gamit pambahay.

Pero, alam ng Diyos kung ano ang aking pangangailangan. Isang araw, may tumawag sa akin, isang matagal ko na kaibigan. Hindi ko alam kung paano niya nakuha ang aking number. Tinanong niya ako agad kung ano ang size ng aking paa kasi magsasara na ang kaniyang boutique. Agad akong napaluha. Noong dumating ‘yung items kinabukasan, nandoon ‘yung marami kong pangangailangan, ‘tulad ng damit, sapatos at bag, tamang-tama para sa aking bibliya at iba pang gamit.

Isang araw, tinawagan ako ng nanay ko para sabihin na ibebenta ang baka para mabayaran na ang bahay. Buntis noon ‘yung baka at nalungkot ako na ibebenta siya. Tinanong ko ang nanay ko kung bakit. Sabi nya, kailangan pa niya ng pera para ipapintura ang bahay. Sabi ko sa kaniya na sa tingin ko, hindi kailangan ibenta ‘yung baka. Pagkalipas ng isang linggo, nanalo siya sa lottery, at sapat ito para matapos ‘yung bahay. Hindi nagpapabaya ang Diyos!

Sa loob noong dalawang taon, kailangan kong pumunta sa Maynila para sa aking discernment retreat at tumira ako sa mga FCJ sisters nang isang buwan. Mula Davao hanggang Maynila, kailangan ko ng 10,000 pesos para sa round-trip ticket at tsaka para sa baon ko. Paano at saan ko naman hahanapin itong pera para dito? At paano ako makakapag one-month leave sa aking opisina? Pero ulit, napakamapagbigay ang Panginoon sa akin. Mula sa aking maliit na negosyo, nagkaroon ako ng sapat na pera para makabili ng tiket papuntang Maynila, at nakakuha ako ng doctor’s certificate para makapag-absent nang one month sa opisina dahil kailangan kong makapagpahinga nang isang buwan. Lahat ito’y pinagkaloob ng Diyos, Siya na may alam ng kagustuhan ng aking puso.

Habang naninirahan ako sa mga FCJ sister nang isang buwan, tinanong ako ni Sr. Veron kung gusto kong makipagtrabaho sa mga babae sa Bagong Silangan, sa aming FCJ Learning and Development Centre doon. Pero ‘yung amoy ng lugar – malapit sa tambakan ng basura – at ‘yung tindi ng trapik mula sa bahay hanggang sa Centre ay unti-unting inuubos ang aking lakas. Sumagi sa aking isip, bakit kailangan kong pilitin ang aking sarili na sumali sa ganitong buhay, eh doon sa aking opisina nakaupo ako sa air-conditioned room? Pero, ‘yung kaligayahan na aking nararanasan sa pakikipagtrabaho sa mahihirap na mga tao ay walang katumbas.

Naniniwala ako na kaya tinutulungan ako ng Diyos sa aking magandang paglalakbay ay dahil tinatawag Niya ako sa ganitong pamumuhay, maging kasapi ng Faithful Companions of Jesus. At ngayon, talagang pinagpapala Niya ako sa aking ministry, sa aking community, at binigyan pa Niya ako ng mas malaking pamilya. Gaya ng sinabi ng Diyos sa Mat 19:29: “At ang bawa’t magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.” Ito ang mga pangakong pinanghahawakan ko. Salamat sa Diyos!


Elvie (right) at the Thanksgiving Prayer before her final vow ceremony.

The English translation is available here.

Comments

Post a Comment

Popular Posts